top of page
145898899_256835859171947_86774894533071

“ TIMPLA ”

Teacher II

Sa bawat taon na dumarating, lagi kong sinasabi na ang tunay na sukatan ng kagalingan ay kung paano mo mapapaunlad ang kaalaman ng iba. Kung paano mo ibabahagi ang iyong galing para sa mga batang nangangarap.

 

Hindi medalya.

 

Hindi pagkilala.

 

Saksi ang bawat umaga kung paano ko sinubukang itimpla ang sarili ko para harapin ang nilikha kong mundo. Umagang maganda, umagang malamig, umagang maalinsangan, at umagang may hinihinging timpla ang iyong kalamnan.

 

“ Magandang umaga. ”

 

“ Maupo ka. ”

 

Sumunod ka at pasasaan pa’t matitikman mo rin ang pinakamasarap kong timpla.

 

“Maglabas ka ng tasa.”

 

Limang araw sa isang linggo ko hinuhulma ang bawat pangarap. Sa loob ng apat na sulok na lalagyan ng mga binhi na maaaring umusbong ang pagbabago sa mundo. Naroon ang pisara na pilit itinatatak ang mga kaalaman sa lipunan, mga silya na sinusukuan ng pagtitiwala, mga libro na basehan ng ilang mga maling kaalaman at ako na higit pa sa mga aklat na iyan. Wala man akong pangalan sa mga libro.

 

“Ipag-init mo ako ng tubig.”

 

Hintaying kumulo hanggang sa angkop na temperatura nito para lusawin ang mga solidong parte at matitigas na ulong dulot ng pagbusa ng makabagong teknolohiya na nagbunga ng makabagong mga bata. Iba na sila. Hindi sila tayo. Kinakailangan ng mahaba-habang oras upang maging handa ang mga kagaya ko para ikundisyon ang mga mithiin nila para sa darating na kinabukasan.

 

Isang kutsaritang kapeng barako.

 

Ibuhos ang tubig sa tasa. Unti-unti lang dapat ilagay ang mga butil dahil baka hindi makuha ang tamang timpla. Hindi ka dapat magmadali. Hinay-hinay lang ang pagbagsak. Kailangan mo ring tapangan ang oras ng laban dahil upang sa huli hindi ka dehado at sigurado ang iyong pagkapanalo. Minsan may mga umaga na kailangan mong magsungit upang sumunod sila sa iyong nais.

 

Dalawang kutsaritang asukal.

 

Bibihira ang mga taong purong barako ang iniinom. Napakatapang. Kailangan rin ng tamis sa gitna ng mapait na katotohanang hindi lahat ng hinuhubog mo ay makukuha ang inaasam na propesyon. Ang iba mag-sisipag asawa na dahil sa hirap na dinadala. Subalit ito ang aking sandata na buo ang aking pananalig na sa huli pangarap ang mananaig, mithiin ang magsasalba sa nakalulunod na problema.

 

Haluin nang haluin hanggang sa malusaw ang mga tipak ng kapeng barako.

 

Hintaying mapuno at maglaho ang solidong parte hanggang sa yakapin ng mainit na tubig ang maiitim na bahagi. Paikutin lamang ang itinitimpla hanggang sa maging handa na ito sa nilikha nilang mundo. Nasa kamay ng nag titimpla kung paano titikman ng mga nangangarap ang ihahain sa hapag.

 

At sa huli, iba-iba pa rin ang timpla.

 

Iba-iba ang timpla ng bawat estudyanteng kailangang pakisamahan upang sa dulo makamtan ang inaasam na kinabukasan.

 

“Sir, gusto ko po mapait.”

“Sir, gusto ko po matamis.”

“Sir, gusto ko po medyo matamis.”

“Sir, ako po, gusto ko may pait at tamis.”


 

Iba-iba ang titikim pero iiisa ang nagtitimpla. Pero nagsama-sama ang iisang tasa dahil may iisang mithiin na nais kamtin. Iyon ang hindi natin alam. Iyon ang hindi natin hawak. Ang puso at ang kinabukasan. Sa tulong nating mga guro, malikha nawa nila ang ninanais na kasaysayan.

bottom of page